Dalok: tradisyunal na pagkaing “kinakain” na ng panahon
“Ha? Ano? Anong dalok?”
Ito siguro ang bumabagabag sa isip mo habang binabasa mo ang pamagat ng lathalaing ito. Oo, tama ang pagkakabasa mo. Dalok. Isa lang ito sa mararaming sikretong salita na ang mga taga-Bulakan, Bulacan lamang ang nakaaalam. Ang pagdadalok ay isa lamang sa mga mumunting paraan ng mga bulakenyo upang preserbahin ang mga prutas na pana-panahon lamang kung mamunga, katulad ng mangga. Kaila sa mga nagsasabing katulad rin lamang ng pagbuburo ang pagdadalok, mas mainam kung ikukwento sa atin ng isang ekspertong Bulakenya ang proseso nito. Si Herminia “Inang Emeng” Alejandrino-Marquez, tubong Bambang, Bulakan, Bulacan ay isa sa mga matatawag na purong Bulakenyo. Siya ay isa sa mga matitirang bulakenyo na nakakaalam kung paano ang tamang proseso ng pagdadalok. Ayon sa kanya, madali lang naman ang paggawa nito, nagkakatalo na lang sa timpla at sa klase ng manggang gagamitin. “Tatalupan lang ang mangga, tapos hihiwain ng pahalang. Pagtapos, lalagyan ng asin tapos huhugasan. Ilalagay lang sa garapon tapos lalagyan ng tubig. Iimbak lang ng dalawang araw tapos pwede nang kainin,” ani Inang Emeng Dahil sa magkahalong asim at kaunting alat nito, ang dalok ay masarap na sahukan sa prito, paksiw, chicharon, at iba pang pagkain. Sabi pa niya, kaiba ito sa burong mangga, dahil ang burong mangga ay “mas matagal ang paghihintay bago makain”. “Ang burong mangga, tinatapyasan lang ang tangkay tapos ibabaon na lang sa asin. Magkaiba ang buro at dalok. Ang dalok dalawang araw lang [iniimbak], ang buro, matagal. Pero kapag gusto mo ng mas maasim pa ang dalok, mga apat ng araw hanggang isang linggo,” paliwanag niya. Ang pagdadalok ay matagal ng tradisyunal na paraan ng pagpepreserba sa Bulakan. Patunay dito si Inang Emeng na natutunan ang pagdadalok sa kanya pang ina. Aniya, “‘Yong nanay ko gumagawa din ng dalok dati. Natutunan din ng nanay ko ang pagdadalok sa nanay n’ya. Mana-mana lang ‘yon.” Ngunit kataka-takang ang mga mamamayan lang ng Bulakan ang nakahuli sa kiliti at panlasa ng mga tao dahil sila lamang ang nakaalam kung ano ang sikreto ng masarap na dalok. “Pag ako’y nagtitinda ng dalok do’n [Paco] ay mabiling-mabili, mga mayayaman pa ‘yog suki ko,” patunay ni Inang Emeng. Blockbuster din daw ang dalok kapag nagtitinda siya nito sa karatig bayan. “Minsan kapag wala akong tinda ay nagtatanong sila kung bakit wala. Sinasabi ko na lang na gagawa ako at magtitinda lang ako kinabukasan,” dagdag niya. Pero ngayon, iilan na lamang ang nakakaalam ng proseso nito. Kung hindi matatanda ay ‘yon na lamang nagtitinda ang nakaaalam. Sa kabutihang palad, matagal nang panahon na naituro ni Inang Emeng sa kanyang mga anak ang pagdadalok. Pero kung tatanungin kung interesado siyang turuan ang mga apo niya na turuang magdalok, may isa siyang suliranin, “Ang mga bata, tamad. Gusto lang iyong kakainin na lang, hindi na gagawa. Pero kung gusto nilang matuto, bakit hindi,” wika niya. Ang pagdadalok ay tradisyong nakakabit na sa mga mamayang ng bayan ng Bulakan. Isa lamang ito sa mga mumunting perlas na itinatago ng probinsya. Tulad na dalok, napakarami pang tradisyong matagal nang naririyan ngunit naghihintay lamang na ating tuklasin. |